Nakita ko lamang sa Manila Times noong isang linggo, August 22, 2008, ang larawan ng paghahatid kay Lucrecia Kasilag sa kanyang huling hantungan noong August 21, 2008. Nabigla ako, dahil ilang araw din akong hindi nakapanood ng telebisyon at hindi ko nalaman ang balitang iyon. August 18, 2008, Lunes, nang namatay dahil sa sakit na pneumonia ang 90-taong gulang na si Tita King.
Pumanaw na ang isa sa mga haligi ng musikang Pilipino. Tandang-tanda ko nang ako'y nasa hayskul pa lamang, at bumili ako ng librong Philippine Folk Dances para sa aming MAPEH. Si Kasilag ang sumulat noon. Dahil siya rin ang nagtayo ng Philippine National Folk Dance Company (Bayanihan). Aliw na aliw ako noong basahin at pag-aralan ang mga sayaw ng ating lahi. At sa isang batang tulad ko (noong mga panahong iyon), malaking bagay ang mamulat sa kultura ng bayan.
Sana, kahit wala na siya, magtuluy-tuloy pa rin ang kanyang layunin. Sana, sa pamamagitan ng mga kabataang kanyang nahubog, maipakita pa rin ang ganda ng musika at sayaw ng Pilipino. Sana, kahit sa panahong ang mga sanggol ngayon ay lumaki na at matuto nang umunawa, maipakilala pa rin sa kanila ang sarili nating kultura, kasama na ang mga naging tagataguyod nito tulad ni Kasilag.
Napakapalad ko at sa henerasyon ko, may isang tulad ni Lucrecia Kasilag ang nabuhay. Sana'y umabot sa iyo diyan sa langit ang aking pasasalamat at panalangin.
Maaari ninyong puntahan ang link na ito upang mapakinggan ang mga komposisyon ni Kasilag sa album na Kasilag Guitar Quartet: http://payplay.fm/kasilaggq
1 comment:
hmm namatay na pala sya...may she rest in peace
Post a Comment