Friday, August 22, 2008

Blooper of the Day---Pakiramdam ni Manong Drayber



Medyo tinanghali na kami ng alis ni JR papuntang opisina. Pasado ala siyete na nang kami'y makasakay sa shuttle (ang tawag sa mga vans at AUVs na diretso ang biyahe) sa may pilahan sa Casimiro. Mabilis naman kaming umandar. Ok naman si Manong Drayber.

Binagtas namin ang CAA Road. Di na halos namin namalayan ang biyahe dahil sa kwentuhan. Pagliko sa may Sucat, bigla na lang pumarada ang sasakyan sa isang parking space sa tabi ng kalsada. Dahil di ko naman masyadong kita ang labas, akala ko magpapagasolina lamang kami. Pero lahat, pati si JR ay nanghaba ang leeg kakadungaw sa aming pinuntahan. Bigla na lamang nagsalita si Manong Drayber . . .

"Lipat na lang ho kayo sa kabila. May naramdaman ho ako e. Pasensya na."

Naramdaman? Anu'ng naramdaman ni Manong? Kung anu-anong posibleng sagot ang naisip namin ni JR.

  1. Parang madalas na nangyayari kay JR, nakaramdam siya ng pananakit ng tiyan at kailangan niyang magpunta sa banyo.
  2. Nanikip ang kanyang dibdib at hindi na niya kaya pang magmaneho.
  3. Buntis si Manong (akin lang to.)
  4. Gutum na gutom na siya.
  5. Natakot sa mga manghuhuli sa kalsada.
  6. ---JR, ano pa nga bang naiisip mo kanina?

Dali-dali kaming lumipat sa kabilang sasakyan. Ayus na sana, dahil di naman gaanong matrapik. Ngunit. . . si Manong Drayber 2, biglang nagradyo . . .

"Saan ko kaya pwedeng ibaba itong mga Caltex ko?"

Anu ba yan. Ibig sabihin, hindi pwedeng magbaba sa may Evangelista---kung saan dapat bababa si JR. Malapit nang mag-alas otso. Si JR, unti-unti nang kumukunot ang noo. Buti nadaan ko sa biro. Hehehe.

Marami raw "kalaban" sabi ni Manong Drayber 2. Ibig sabihin, may mga nanghuhuli ng mga nagbababa ng pasahero. Hay!

Kaya sa Mantrade bumaba si JR, at ayon sa kanya, late siya nang ilang minuto. Ok lang yan, minsan lang naman. Hahaha.

Pero . . . ano nga kaya ang nangyari kay Manong Drayber?

No comments: