Maligayang kaarawan muli, kaibigan. Noong nakaraang taon ay sumulat ako sa iyo--ngunit hindi ko alam kung makakarating pa ito. Nasaan ka na kaya? Maayos ba ang iyong pamumuhay? Sana naman. At sana, isang araw, makita ka naming muli--buhay na buhay, puno ng sigla at pag-asa.
Hetong muli ang aking liham. Baka sakaling mahanap mo ang blog ko at mabasa ito.
Ika-6 ng Agosto
Kaarawan mo ngayon. Tinanong ako ng Mama mo kung may balita kami sa’yo. Hindi ako nakasagot. Marami akong ginagawa sa opisina. Hindi ko rin alam kung ano ang isasagot ko. Wala na akong balita sa’yo.
Ang huling nasabi lang sa akin ng bestfriend mo, sumulat ka raw at nagpapadala ng mga kailangan mong gamit. Noong bakasyon pa ata yun. Pagkatapos wala na. Parang ayoko na ring balikan pa ang mga nangyari dati—yung mga panahong pinaiyak mo ang mga kaibigan natin. Pinaiyak mo dahil nagpaalam kang aalis ka at magsasarili. Inalisan mo kami para kamo sa iyong layuning magsilbi sa bayan. Inilaglag mo kami. Ano pang silbi kung kakapit pa rin ako sa’yo?
Balikan nga natin ang nangyari.
Pahiwatig.
Mahigit isang taon na rin nang ginulat mo kami sa balitang pupunta ka sa malayo upang tulungan kamo ang mga kababayan nating higit na nangangailangan ng tulong. Sinabi mo na iyon ilang buwan bago mo sabihing tutuloy ka.
Nagresign ka sa pagiging opisyal ng organisasyong aking pinamumunuan. Sabi mo’y gusto mong magtuon sa paghahanda mo para sa mas malaking tungkuling iyong gagampanan. Pumayag ako. Sabi mo tumahimik lang ako at huwag munang sasabihin sa iba nating kaibigan. Sinunod kita.
Kakabit no’n ang napakaraming tanong na nabuo sa aking isipan. Bakit? Ano ang kinaibahan ng iyong gagawin sa ginagawa kong pag-aaral at pagsisikap upang makatulong din sa kapwa pagdating ng tamang panahon? Ano ang talagang inyong pinaglalaban? Iyon na lamang ba ang natatanging paraan upang masugpo ang katiwalian at kahayupan ng mga namumuno sa bansa? Kailangan ko ng sagot.
Sabi mo lang hindi mo mapapaliwanag pa lahat ngayon. Pero alam mo at nararamdaman mong iyon ang tama. Sige. Malaki ka na. Ngunit aaminin kong hindi kita sineryoso nang sobra. Kilala na kita. Para kang ako, pabagu-bago ng desisyon. Alam ko ring naghahanap ka ng atensyon—nangangarap ka ring makilala bilang isa sa mga nagdulot ng pagbabago. Inamin mo iyon sa bestfriend mo. At sanay na rin kami sa’yong ayaw nang natatalo. O siguro kasi gusto mong makawala sa puder ng mga mapag-alaga mong magulang. Bunso ka kasi. Buti ka pa nga, alagang-alaga.
Lumipas ang ilang buwan, halos hindi ka namin nakita at nakausap. Ah, naalala ko nang huling araw ng klase bago magPasko, sumama ka sa pagdiriwang ng ating eskwelahan. Magdamag tayong magkasama. Bago tayo nagkayayaang umuwi at nagpapahinga sa may estatwang hubad, bigla mo akong tinanong tungkol sa pag-ibig mong nasira. Umiyak ka pa, nagsisisi. Sinabi kong sundin mo ang puso mo, gawin mo ang lahat kung talagang siya ang gusto mo. Kung ayaw niya ang pinasok mong gulo, dun ka mamili. Alin ang mas matimbang para sa iyo? Ngunit umiyak ka lang. Ang sagot mo,“Hindi ko alam.”
Aalis ka na.
Isang buwan bago magtapos ang klase, abalang-abala na ako sa pag-aaral at pagsusulat ng aking thesis, bigla kang nagpatawag ng kitaan sa may sunken garden. May sasabihin ka kamo. Akala ng lahat, sasabihin mong buntis ka. Ako, naramdaman ko na kung tungkol saan iyon. Pero naisip ko, hindi yun, hindi mo itutuloy yun. . .
Saksi ang mga damong inupuan natin noon sa iyong pagsasabi. Aalis ka kamo. Pupunta sa isang lugar na kailanman ay hindi namin malalaman kung saan.
Sabi mo, iyon na lamang ang natatanging paraan upang mabahagian man lang ng yaman ng bansa ang mga mahihirap na magsasaka at manggagawa. Sinabi mong walang silbi ang lahat ng ating pinag-aaralan dahil kahit makatapos tayo at guminhawa ang buhay, kaunti lang ang ating matutulungan: pamilya, mga malalapit na kaibigan, at mapalad na kung may iba pang mga hindi natin kalapit ang makakadama ng ating pagtulong. Para sa’yo, ang gagawin mo ay pagtulong sa mas nakararami.
Tinanong ka namin kung ano ang eksatong bagay na gagawin mo. Sabi mo, susuportahan niyo lang ang mga nakikipaglaban. Pero pinagmalaki mong naturuan ka nang humawak at gumamit ng M-16. Ikaw? Ikaw na hindi kumpleto ang araw nang hindi naglalagay ng kung anu-anong gamot sa iyong mukha para maiwasan ang tigyawat? Ikaw na hindi pumapayag madumihan ang katawan? Ikaw na masyadong alala sa iyong ganda? Ikaw na sa tuwing makikita naming sa rali ay nakapalda, nakatakong na mataas, nakapayong, nakapamaypay, at nakasalamin pa? Aakyat sa kanayunan at hahawak ng baril? Lahat sila’y gulat na gulat. Oo, nagulat din ako. Ngunit hindi ko masyadong ininda dahil nasabi mo na nga iyon sa akin nang una.
“Kailan ka babalik?” tanong ng bestfriend mo. “Hindi ko alam. Susubok akong mamuhay doon ng dalawa hanggang anim na buwan, kapag nakasundo ko, maaaring doon na ako mamalagi.” Unti-unting umagos ang luha ng mga kaibigan natin. Hindi ko alam kung bakit ako hindi. Dahil ba naiinis ako sa’yo? O dahil wala akong pakialam sa kung anuman ang gagawin mo? Napakarami kong iniisip para lamang makahabol sa graduation ng taong iyon. Tapos sasabihin mong walang silbi lahat ang aking mga pinaghihirapan? Bakit mo pinahihirapan ang mga kaibigan mo nang ganito? Hindi mo ba naisip ang iiwanan mong pamilya?
Bukas ang isipan ng mga kaibigan natin sa mga bagay na tulad nito. Hindi ka nila pinigilan. Para sa kanila, ipina-alam mo na lamang ang iyong gagawin, hindi ipina-a-lam. Iyak sila ng iyak. Ako, tahimik lang. Gusto kong sabihing nahihibang ka na. Sa tingin mo ba, makakaya ng mga baril na hahawakan ninyong patayin ang lahat ng mga kurakot at masasama sa bansang ito? Nababaliw ka na ata. Iba na rin ang paraan mo ng pagsasalita. Napakalalim na Tagalog. Para kang nasapian.
Inamin mo ring kaya mo kami nilayuan ay para mas maging madaling iwanan kami. Para hindi na masyadong maging malapit ang loob mo sa amin. Ganun din ang ginawa mo sa iyong pamilya. Ang iyong pamilya—hindi ka magpapaalam. Sabi mo, magpapabigay ka na lamang ng sulat sa isa ninyong kasamahan. Doon pa lamang, naramdaman na namin ang sakit na mararamdaman pa lamang ng iyong mga magulang at kapatid.
Aalis ka na sa loob ng linggong iyon. Ang mga kaibigan natin, tila gustong sulitin ang bawat saglit na kasama ka nila. Ako? Tiniis kita. Kailangan kong umuwi sa bahay upang tapusin ang aking thesis na deadline isang araw matapos ang iyong nakatakdang paglalayag. At umalis ka na nga. Umalis ka nang hindi ko nakikita. Inihatid ka pa raw nila. Ipinagbalot ng mga damit. Pero tiniis ko. Hindi ako nakialam. Kunwari hindi ako nakialam. Kung alam mo lang, hindi ako makapagsulat habang iniisip kong paalis ka na. Hindi ko maisip kung ano ang susunod na equation sa binubuo kong formula. Hindi ako mapakali. Gusto kong tumakbo mula bahay papunta sa iyo at pigilan ka.
Ang Pamilya mong iniwan.
Akala ko’y tapos na ang kwento. Hihintayin na lamang naming ang sulat na ipinangako mo. Pero ilang araw pa lamang pagkatapos mong umalis, tinawag ako ng iyong bestfriend at sinabing sa amin mo raw ibinilin ang sulat na ibibigay sa iyong mga magulang. Dumagdag ka na naman sa aking mga problema. Hindi mo ba talaga ako tatantanan?
Hapon noon ng Sabado, nagkita-kita kaming tatlo. Wala ang dalawa pa, abala rin sa pag-aasikaso ng kanyang nalalapit na pagtatapos. Nanginginig kaming naglakad papunta sa inyong bahay, iniisip kung ano ang panimulang linya naming sa kanila. Ayan na. Nasa harap na kami ng inyong sari-sari store. Nakita kami ng iyong ama at malugod kaming binati. Pinapasok niya kami at pinuntahan ang Mama mong nagpapalinis pa ng kanyang kuko sa paa. Napakasaya niya noon. Napakatamis ng ngiti. Kamukhang-kamukha mo. Tinanong niya kami kung nasaan ka. Bakit hindi ka naming kasama. Hindi kami makasagot. Hindi rin namin malaman kung ngingiti ba kami o ano. Sabi namin, may sulat para ka para sa kanila. Dali-dali namang binasa iyon ng iyong ina. Habang umaandar ang kanyang mga mata sa pagbabasa, nadama naming ang pagbabago sa kanyang pakiramdam. Ipinatigil niya ang pagpapalinis ng kanyang kuko at pinaalis ang manikurista.
Unti-unti siyang hiningal, tila hindi makapaniwala sa kanyang nabasa. Tinanong niya kami kung para saan ang sulat na iyon. Sagot namin, ipinabigay lang niya iyon sa amin. Umalis ka na, sabi namin. Tinawag niya ang Kuya at ang Papa mo. Panandalian kaming nahimasmasan nang biglang lumundag ang iyong kuya sa inis. Hindi rin malaman ang gagawin. Kami, gustong matawa, ngunit alam namin ang gulong aming pinasukan. Sunud-sunod na ang tanong na ibinato nila sa amin.
Ang Mama mo, umiiyak na. Ang dalawa kong kasama, umiiyak na rin. Aba, ako na naman ang natira?! Ako ang nagpaliwanag ng mga bagay na sabi mo, yun lang ang dapat naming sabihin. Halatang pigil ako sa pagsasabi ng impormasyon. Kaya sinasabi ng iyong ina, “May alam pa kayo, nakikita ko sa inyo, kaya parang awa niyo na, sabihin nyo kung nasaan ang anak ko.” Niyakap ako ng iyong ina. Tila nanghihingi ng lakas para maharap niya ang pagsubok na iyon. Doon na ako bumighay. Damang-dama ko ang paghihinagpis ng kanyang kalooban. Nawalan siya ng anak. At ang pinakamamahal pa niyang bunso ang nawala. Naging histerikal na pati ang Kuya at Papa mo. Sabi ng iyong ama, ano pang silbi ng mga paghihirap nila. Wala ka na. Ano pa nga ba? Kulang na lang ay lumupasay sa sahig ang iyong Mama. Hindi niya malaman ang gagawin. Bakit ka raw namin hinayaang umalis. Sabi namin, wala na kaming nagawa. Nagsabi ka, paalis ka na. Paulit-ulit na lamang kami sa mga paliwanag pero hindi iyon sapat upang mahapo ang pag-alab ng damdamin ng iyong pamilya.
Nagplano pa sila para sa paghahagilap sa iyo. Alam mong maraming koneksyon sa iba’t-ibang lugar ang iyong pamilya. Pero pinigilan namin sila. Delikado. Hindi ba’t yun din ang sabi mo sa amin? Huwag kaming maingay na may kakilala kaming tulad mo, at hangga’t maaari, wala na kaming pagsasabihan pang iba, kasi mapanganib. Ayaw mong madamay pa kami. Ngayon mo pa kami ayaw idamay? Ayoko nang magsalita pa.
Natapos ang usapan namin ng iyong mga magulang at Kuya sa mga katagang… “Babalitaan ninyo kami ha.” Para kaming sinalakay ng bagyo noong hapong iyon. Dumeretso kami sa mall malapit sa inyong bahay, nagpalipas ng oras, kumain, nagpahinga. Maya-maya’y tumawag ka. Ano ba talagang gusto mong mangyari? Dama naming hindi mo rin matiis ang mga taong naghirap para itaguyod ang kinabukasan mo. Nagtanong ka tungkol sa nangyari. Ang nasagot lang namin, “Tawagan mo sila, naghahanap sila ng sagot mula sa’yo.”
Hindi talaga kita maintindihan. Ang labo mo. Hindi namin natiis ang tila namatayang mga mukha ng iyong mga magulang kaya’t kinabukasan, nakipagkita kami sa iyong Kuya. Sinabi namin ang tunay na pakay mo sa pag-alis. Ngunit nanatiling lihim ang ibang mga detalye. Pagkatapos ng usapang iyon, parang naisara na ang aklat na naglalaman ng iyong kwento, bagamat may mga pahinang hindi pa rin nabasa at natiklop nang maayos.
Nakakapit ka pa rin.
Makalipas ang dalawang buwan, nakatanggap kami ng sulat mula sa iyo. Hindi ko iyon nabasa, ngunit sabi ng bestfriend mo, nagpapadala ka raw ng mga gamit doon: ang paborito mong sabon, shampoo, facial wash, conditioner, bulak, at kung anu-ano pang mga gamit pampaganda. Akala ko ba’y tinalikuran mo na ang maluhong buhay? Ahhhh. Huwag mong sabihing may hawak kang baril sa isang kamay at ang isa nama’y moisturizer ang tangan. Hindi ko masabi kung ako ba’y galit o inis o nangungulila sa iyo. Nagtatalo ang pakiramdam sa aking puso. Basta ang alam ko, umalis ka para sa bayan. Isinasama na lamang kita sa aking mga dasal. Hinihiling ko palagi sa Kanyang bantayan ka at huwag kang hayaang mapahamak. Iyon na lamang ang natatanging paraan para maabot kita. Wala nang iba.
Ngayon, normal na ang aking buhay bagamat dinadalaw pa rin ako ng mga nangyari, tulad ng araw na ito, dahil kaarawan mo. Nasaan na kaya ang laptop ng Mama mo, na tinangay mo nang umalis ka? Pati rin ang iyong cellphone, na ginamit mo pa mangilang beses noong mga unang buwan matapos ang iyong pag-alis? Sana ay hindi ko mabalitaan na lamang isang araw na isa ka sa mga nawawalang kabataan, na ang sabi nila’y pinarurusahan ng mga militar. At sana, isang araw, bumalik ka upang ipagmalaki sa aming nakamit mo ang iyong layunin. Ikuwento mo sa amin ang iyong pakikipaglaban sa mga taong sinasabi ninyong nagpapahirap sa bayan. Aasahan ko iyan, kaibigan. Mag-iingat ka palagi.
Nagmamahal,
Ang Iyong Kaibigan