Halata sa mga batang hindi sanay makakita at makaranas ng party ni Jollibee. Hindi tulad ko ngayon, halos araw-araw kay Jollibee. Ang iba sa kanila ay may maayos na uniform--polo/blaws, pantalon/palda, at sapatos. Pero ang iba . . . nakatsinelas lang at naninilaw nilaw na ang mga dapat ay puting damit. Pero hindi alintala ng mga bata anuman ang suot nila. Ang mahalaga lang noong araw na iyon---pagsasaya.
Hanggang sa dumating na ang merienda. Regular yum, peach mango pie, at tetra pack na juice. Bumaba muna ako sa stage upang tumulong sa pamimigay ng pagkain. Ang nakatoka sa aming grupo--kinder. Isa-isa ko silang nilapitan upang lagyan ng straw ang kanilang mga juice. Mahihina pa sila upang gawin iyon nang mag-isa. Hanggang sa may isang batang babaeng kumausap sa akin. Di ko na maalala kung tinanong niya ang pangalan ko o ang pinanggalingan ko. Basta ngumiti siya na parang lubos ang pasasalamat.
Maya-maya'y halos tapos na ang lahat kumain. Napatingin ako sa batang iyon dahil halos mahulog na ang kanyang dala-dala. Hindi nya binuksan ang burger at pie na binigay sa kanya. Nang inalalayan ko siya at tinanong kung bakit hindi nya kinain. . . mabilis siyang sumagot ng, "Di ko na lang to kakainin. Uuwi ko nalang kay mama at papa ko."
Biglang tumaas ang dugo ko pagkaranig ng linyang iyon. Isang musmos, na dapat ay paglalaro at kasiyahan lamang ang iniisip, ay inalala ang kanyang mga magulang. Wala na akong ibang nasabi noon. Binigyan ko na lang siya ng isang ngiting ipinaparating ang aking paghanga at pagkatuwa sa kanyang sinabi.