Kaninang tanghalian, patawid kami sa Paseo de Roxas papuntang Greenbelt, nang may paparating na convoy ng VIP. Aha! Sino kaya ito? Pero dinedma lang namin ng mga kasama ko. Ang alam lang namin, kongresman ang nakasakay. Kasi "8" ang plaka sa likuran ng Ford Expedition na itim.
Pagkatawid namin sa kabilang kalsada, biglang tumigil ang convoy, at isa-isang lumabas ang mga mamang nakaputing polo barong na may dala-dalang walkie-talkie. Nawindang kami nang ilang sandali. Para kasing kami ang susugurin. Pumasok ang ilan sa kanila sa may Pancake House, tapos lumabas ulit upang antayin ang pagbaba ng nasa nangingintab na sasakyan.

Hanggang sa . . . bumaba ang isang lalaking nasa 50s, naka-pink na long sleeves at nakakurbata. Aba, ang bagong speaker of the house - Si Congressman Prospero Nograles. May kausap siya sa kanyang cell phone habang naglalakad papunta sa isa sa mga upuan sa labas ng Starbucks Coffee sa kantong iyon. Naisip kong bigla kung gaano katunog ang pangalan niya ngayon-- Siya ang pumalit sa pinatalsik na si JDV. Anu-ano na kaya ang nagawa niya bilang mambabatas? Ilang taon na siya sa pwesto? Bakit siya ang napili para sa posisyong nasa kanya ngayon? Hmmmm. . . Bigla akong naging interesado sa kanyang pagkatao. Hanggang sa pumasok ako sa Greenbelt, iniisip ko kung ano kaya ang gagawin niya sa kapehang iyon, at kung ano ang mga plano nya sa pulitika sa mga darating na panahon.
Abangan . . .pag-aaralan ko ang taong ito. Medyo hindi na rin kasi ako maalam sa sitwasyon ng pulitika ngayon. Mas ninanais ko pa kasing mag-isip ng mga walang katuturang bagay kaysa problemahin si Lozada o si Nograles o si GMA. Pero dadating din ang panahong kikilos ako. . . malapit na.
No comments:
Post a Comment