Sunday, August 31, 2008

Wala na si Kasilag



Nakita ko lamang sa Manila Times noong isang linggo, August 22, 2008, ang larawan ng paghahatid kay Lucrecia Kasilag sa kanyang huling hantungan noong August 21, 2008. Nabigla ako, dahil ilang araw din akong hindi nakapanood ng telebisyon at hindi ko nalaman ang balitang iyon. August 18, 2008, Lunes, nang namatay dahil sa sakit na pneumonia ang 90-taong gulang na si Tita King.

Pumanaw na ang isa sa mga haligi ng musikang Pilipino. Tandang-tanda ko nang ako'y nasa hayskul pa lamang, at bumili ako ng librong Philippine Folk Dances para sa aming MAPEH. Si Kasilag ang sumulat noon. Dahil siya rin ang nagtayo ng Philippine National Folk Dance Company (Bayanihan). Aliw na aliw ako noong basahin at pag-aralan ang mga sayaw ng ating lahi. At sa isang batang tulad ko (noong mga panahong iyon), malaking bagay ang mamulat sa kultura ng bayan.

Sana, kahit wala na siya, magtuluy-tuloy pa rin ang kanyang layunin. Sana, sa pamamagitan ng mga kabataang kanyang nahubog, maipakita pa rin ang ganda ng musika at sayaw ng Pilipino. Sana, kahit sa panahong ang mga sanggol ngayon ay lumaki na at matuto nang umunawa, maipakilala pa rin sa kanila ang sarili nating kultura, kasama na ang mga naging tagataguyod nito tulad ni Kasilag.

Napakapalad ko at sa henerasyon ko, may isang tulad ni Lucrecia Kasilag ang nabuhay. Sana'y umabot sa iyo diyan sa langit ang aking pasasalamat at panalangin.

Maaari ninyong puntahan ang link na ito upang mapakinggan ang mga komposisyon ni Kasilag sa album na Kasilag Guitar Quartet: http://payplay.fm/kasilaggq


Friday, August 22, 2008

Blooper of the Day---Pakiramdam ni Manong Drayber



Medyo tinanghali na kami ng alis ni JR papuntang opisina. Pasado ala siyete na nang kami'y makasakay sa shuttle (ang tawag sa mga vans at AUVs na diretso ang biyahe) sa may pilahan sa Casimiro. Mabilis naman kaming umandar. Ok naman si Manong Drayber.

Binagtas namin ang CAA Road. Di na halos namin namalayan ang biyahe dahil sa kwentuhan. Pagliko sa may Sucat, bigla na lang pumarada ang sasakyan sa isang parking space sa tabi ng kalsada. Dahil di ko naman masyadong kita ang labas, akala ko magpapagasolina lamang kami. Pero lahat, pati si JR ay nanghaba ang leeg kakadungaw sa aming pinuntahan. Bigla na lamang nagsalita si Manong Drayber . . .

"Lipat na lang ho kayo sa kabila. May naramdaman ho ako e. Pasensya na."

Naramdaman? Anu'ng naramdaman ni Manong? Kung anu-anong posibleng sagot ang naisip namin ni JR.

  1. Parang madalas na nangyayari kay JR, nakaramdam siya ng pananakit ng tiyan at kailangan niyang magpunta sa banyo.
  2. Nanikip ang kanyang dibdib at hindi na niya kaya pang magmaneho.
  3. Buntis si Manong (akin lang to.)
  4. Gutum na gutom na siya.
  5. Natakot sa mga manghuhuli sa kalsada.
  6. ---JR, ano pa nga bang naiisip mo kanina?

Dali-dali kaming lumipat sa kabilang sasakyan. Ayus na sana, dahil di naman gaanong matrapik. Ngunit. . . si Manong Drayber 2, biglang nagradyo . . .

"Saan ko kaya pwedeng ibaba itong mga Caltex ko?"

Anu ba yan. Ibig sabihin, hindi pwedeng magbaba sa may Evangelista---kung saan dapat bababa si JR. Malapit nang mag-alas otso. Si JR, unti-unti nang kumukunot ang noo. Buti nadaan ko sa biro. Hehehe.

Marami raw "kalaban" sabi ni Manong Drayber 2. Ibig sabihin, may mga nanghuhuli ng mga nagbababa ng pasahero. Hay!

Kaya sa Mantrade bumaba si JR, at ayon sa kanya, late siya nang ilang minuto. Ok lang yan, minsan lang naman. Hahaha.

Pero . . . ano nga kaya ang nangyari kay Manong Drayber?