Thursday, January 31, 2008

Mukmok

"Huy, Ako! Anong ginagawa mo dyan?
Bakit ka nakatambay lang sa isang tabi, walang ginagawa?"


"Pagod na ako sa buhay ko. Paulit-ulit na lang. Napakabagal ng panahon. Wala nang nagbago."


"Sa tingin mo ba may magbabago kapag tumambay ka lang dyan? Tumayo ka nga. Ayusin mo ang buhay mo."

"Ilang beses na ba akong sumubok? Bumabalik din ako sa ibaba. Ayoko na talaga. Bahala na ang hangin sa'kin."

"Kaya ka bang dalhin ng hangin? At sa tingin mo ba, may kaginhawan sa dulo ng pagdadalhan sa iyo nito?"

"Hindi ko na rin naman alam kung saan ako patutungo. Mabuti nang huwag ko nang hawakan pa ang buhay ko. Wala rin namang mawawala."

"Mawawala? Kapag dinala ka ng hangin, magiging manhid ka sa lahat-->sa pagmamahal, sa kaligayahan, sa buhay. Lilipad kang parang isang butil ng buhanging sumasagi kung saan-saan ngunit di naman nararamdaman."

"E di maigi. Ano bang silbi ko rito? May katuwang ba ako sa mga paghihirap kong ito? Lalo lang akong masasaktan hanggat maghahangad ako sa mga bagay na iyan."

"Pero tao ka. Isinilang ka upang masaktan at lumigaya. Isipin mo ang mga panahong pinasaya ka ng mga taong mahalaga sa iyo. Alalahanin mo kung paano ka nila sinamahan tuwing ika'y nagtatagumpay, at kung paano naghilom ang sugat na kanilang dinulot sa tuwing kayo'y hindi nagkakaunawaan. Balikan mo ang mga panahong ibinahagi mo ang iyong ngiti at damdamin sa iba."

". . . Napasaya ko sila. Ngunit nasaktan din minsan. Isang bagay lang ang alam ko. Hindi ako pumayag na sila'y lumayo. Dahil sa kanila, kaya ako lumalaban at patuloy na nabubuhay sa mundo."

"Sakto. Darating ang panahon at maiisip mo uli ang kawalang kwenta ng iyong sitwasyon. Siguro'y sapat nang bigyan mo ang sarili mo ng ilang minuto, oras, o araw, upang muling pagmuni-munihan ang mga bagay. Babalik muli ang iyong kasiglahan. Huwag kang susuko."

"Salamat. Babalik na 'ko sa trabaho."

No comments: